Humiling ang Sonshine Media Network International (SMNI) sa Court of Appeals (CA) nitong Huwebes, Disyembre 28, na ihinto na ang 30 araw na suspensiyon na ipinataw ng National Telecommunications Commission (NTC), na naging epektibo noong nakaraang linggo.

Sa paghain ng petisyon ng SMNI sa CA, iginiit ng isa sa mga abogado ng network na si Rolex Suplico na lumalabag umano ang kautusan ng NTC sa ilang mga probisyon sa konstitusyon, partikular na raw sa “right to due process,” “separation of powers,” at “freedom of speech.”

“The suspension order is immediately executory, that is why we are asking the Court of Appeals to issue a temporary restraining order (TRO) to stop the implementation of the show cause order and also the suspension order,” ani Suplico.

"We are given 15 days to file our response but ang problema nito binigyan kami ng pagkakataon magrespond but may suspension na. So, in this case, this is a grave violation ng Saligang Batas. Inaabuso nila ang kapangyarihan nila," saad pa niya.

Operasyon ng SMNI, suspendido ng 30 araw

Matatandaang noong Disyembre 21 nang magdesisyon ang NTC na suspendihin ang operasyon ng SMNI alinsunod sa House Resolution No. 189, dahil umano sa mga paglabag ng network sa terms and conditions ng prangkisa nito.

Bago naman ang naturang pagsuspinde ng NTC, matatandaang pinatawan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 14-days preventive suspension order ang dalawang shows ng network na “Laban Kasama ang Bayan” at “Gikan Sa Masa, Para Sa Masa.”

Ayon sa MTRCB, sinuspinde nito ang “Laban Kasama ang Bayan” dahil daw sa “unverified report” nito hinggil sa umano’y ₱1.8 billion travel funds ni House Speaker Martin Romualdez.

Matatandaang iginiit ni SMNI host Jeffrey “Ka Eric” Celiz sa telebisyon kamakailan na gumastos umano si Romualdez ng ₱1.8 bilyon sa kaniyang mga paglalakbay para sa 2023.

Samantala, sinuspinde rin ng ahensya ang “Gikan Sa Masa, Para Sa Masa” dahil naman umano sa “death threats” at “profane language” ng guests ng show sa dalawang episodes nito.

https://balita.net.ph/2023/12/19/mtrcb-sinuspinde-2-shows-ng-smni/