Marami ang naantig sa post ni Rosemarie Villota, 23, mula sa Trento, Agusan del Sur, tampok ang pag-aalay niya ng kaniyang tagumpay bilang isa nang ganap ng licensed professional teacher (LPT) sa kaniyang tricycle driver na tatay, na siyang nagtasa ng kaniyang lapis na ginamit sa Licensure Exam for Teachers (LET) upang maramdaman niyang kasama niya ito habang sinasagutan ang pagsusulit.

Makikita sa Facebook post ni Villota ang kaniyang graduation picture at larawan ng kaniyang ama na nakatalikod. Kalakip din ng post ang kaniyang mensahe para rito.

Umabot na ang naturang post ng mahigit 37,000 reactions, 63 comments, at 12,000 shares.

Sa eksklusibong panayam naman ng Balita, ibinahagi ni Villota na nakuha niya ang naturang larawan ng kaniyang ama sa araw ng LET noong Setyembre 2023.

Human-Interest

75-anyos marathon runner na may suot na gula-gulanit na sapatos, kinaantigan

“Before ako pumunta sa Butuan City para doon mag exam, sinabi ko kay papa ko na tasahan niya ‘yung lapis ko para ma-feel ko na kasama ko siya at kaming dalawa ‘yung nag-eexam,” kuwento ni Villota.

“Pero noong nasa kaniya na ang lapis, hindi ko in-expect na dadasalan niya pala ‘yun. Nagulat na lang ako kasi parang may nagsasalita sa balkonahe namin. ‘Yun pala nagdadasal siya,” dagdag niya.

Si Villota raw ang panganay sa limang magkakapatid, at para maigapang ang kanilang pamilya ay nagtityaga raw ang kaniyang tatay sa pamamasada ng tricycle.

“As in ‘yung tricycle pa ni papa noon parang buto’t balat,” ani Villota.

Nang mag-first year college naman na raw si Villota at nag-aaral na rin ang iba niyang mga kapatid, nagdesisyon ang kaniyang ina na magtrabaho sa ibang bansa bilang domestic helper.

Kaya naman ngayong ganap na siyang professional teacher, sinabi ni Villota na mas magsisipag siya para sa kaniyang mga magulang na nagsakripisyo para sa kaniya.

“Magsisipag ako hanggang dumating ‘yung araw na mapa-uwi ko na si Mama, at ang pamamasada ni papa ay parang libangan nalang niya,” saad ni Villota.