Siyam na tripulante ang nailigtas matapos magkaaberya ang sinasakyang pampasaherong bangka malapit sa San Juan, Batangas nitong Biyernes ng gabi.

Sa paunang ulat ng Philippine Coast Guard Station-Batangas, ang siyam ay tripulante ng motorbanca na Hasta La Vista.

Lumayag ang bangka mula sa Dinagat Island sa Surigao nitong Disyembre 20 patungong Calatagan, Batangas nang biglang lumubog ang kalahating bahagi nito nang hampasin ng malalaking alon sa bisinidad ng Malabrigo Point, Batangas nitong Disyembre 22.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Tinangay ng malakas na hangin ang bangka hanggang sa Laiya, San Juan, Batangas kung saan nadaanan ng Danish-flagged vessel na MV Ocean Dependable na sumagip sa mga tripulante nito.

Kaagad ding nagresponde ang mga tauhan ng PCG sa lugar kung saan inilikas ang siyam na tripulante.

Inalerto naman ng Coast Guard ang mga naglalayag sa Lobo, Batangas patungong Calapan, Mindoro dahil hindi pa natatagpuan ang nagkaaberyang bangka.

Nilinaw din ng PCG na sinusuyod na nila ang lugar sa pag-asang makita ang bangka.