Kadalasang mababasa sa mga balita ay napapatay ng ahas ang isang tao dahil sa posibleng nakamamatay na kamandag na dulot nito.

Sa probinsya ng Bohol, tila kabaliktaran ang nangyari sa pagitan ng isang ahas at isang lalaki.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sa ulat ng ilang mga pahayagan, namatay ang isang ahas matapos kagatin sa leeg ng isang lalaki nang atakihin niya ito.

Ayon sa pahayag ni Police Staff Sargeant Andy Calcaben ng Antequera police, nagmamaneho ng motorsiklo si Boljulio Aleria sa Barangay Quinapon-an sa bayan ng Antequera nang harangin umano ito ng isang Reticulated python o kilala ring “baksan.”

Kinagat umano si Aleria ng ahas sa kamay at braso at pumulupot pa ito sa kaniya.

Nanlaban ang lalaki gamit ang isa pang kamay at hinawakan sa ulo ang may habang tatlong hanggang apat na metrong ahas at saka kinagat sa leeg.

Dagdag pa ng ulat, tumagal daw ng 10 minuto ang pakikipagbuno nito sa hayop.

Tinulungan na rin ng mga residente sa lugar ang lalaki at dinala sa Governor Celestino Gallares Medical Hospital sa Tagbilaran City.

Sa kabutihang palad, hindi naman umano nakamamatay ang kagat ng Reticulated python.

Samantala, nakalabas na ng ospital si Aleria, ayon sa ulat ng ABS-CBN.

“Pasalamat ko sa Ginoo, wala talagang makaon sa baksan," aniya sa lokal na istasyon ng radyo dyRD.

“Anam-anam og hugot. Akong isip mapatay ko ani. Akong gibira iyang ulo nga naa sa ubos, nabubuhay. Ako kinuha balik, nahawiran ang ulo at gipang-os (Nakapulupot na siya sa akin. Ang naisip ko, mamamatay na ako. Kaya hinawakan ko sa ulo pero nakawala. Nahawakan ko ulit, kinagat ko ang ulo)," dagdag pa niya.

Kuwento pa niya, patuloy niyang kinagat ang ahas hanggang sa manghina ito.

Dagdag pa ng ulat, kailangan pa raw ipagpatuloy ni Aleria ang kaniyang mga gamot para sa sakit at antibiotics. Nakainom na rin daw ito ng anti-venom na gamot.