Namahagi ng Macbook Air na laptop ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan sa mga guro at punong guro ng mga pampublikong paaralan kamakailan.

Ayon kay Bataan Governor Joet Garcia, taos-pusong siyang nagpapasalamat sa mga bayaning guro dahil sa mga sakripisyo at serbiyo ng mga ito para makapagbigay ng de kalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral ng Bataan.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

“Taus-puso po tayong nagpasalamat sa lahat ng mga bayaning guro sa kanilang mga sakripisyo at serbisyo para makapagbigay ng de kalidad na edukasyon para sa ating mga mag-aaral,” ani Garcia sa kaniyang Facebook post.

“Ang pagiging isang guro ay hindi po biro dahil sila po ang tumatayong pangalawang magulang ng ating mga anak at ito’y kanilang pinili hindi lamang para magbahagi ng kanilang kaalaman kundi upang makatulong sa ating bansa sa pamamagitan ng paglinang at paghubog sa mga kakayahan, kaalaman at pag-uugali ng mga susunod na mamumuno at mangunguna sa iba’t ibang larangan at sektor ng lipunan,” dagdag pa niya.

Ang mga ipinamahaging laptop ay gagamitin umano ng mga guro para sa kanilang tungkulin at patuloy na implementasyon ng kanilang programa.

Nakasama rin ni Garcia sa pamamahagi ng mga laptop sina “Cong. Gila Garcia, Cong. Jett Nisay , Vice Gov. Cris Garcia , Bokal Jomar Gaza, Power Mac Center CEO Lawrence Sison, COO Mirabelle Tan, at DepEd-Bataan Schools Division Office (SDO) Superintendent Dr. Carolina S. Violeta.”

“Makaaasa po kayo na buo po ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga adhikain ng DepEd Philippines para mas mapataas pa ang kalidad ng edukasyon sa ating Lalawigan,” dagdag pa ng gobernador.

Ipinamahagi ang mga laptop noong Disyembre 18 sa Bataan People’s Center.