Naglabas ng pahayag ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) nitong Martes, Disyembre 19, hinggil sa pagsuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa dalawang programa ng Sonshine Media Network International (SMNI), isang media company na pagmamay-ari ni Pastor Apollo Quiboloy.

Matatandaang nitong Martes, Disyembre 19, nang ihayag ng MTRCB na naglabas ito ng 14-day preventive suspension laban sa SMNI programs na “Laban Kasama ang Bayan” at “Gikan Sa Masa, Para Sa Masa,” kung saan epektibo umano ito nitong Lunes, Disyembre 18.

Kaugnay nito, iginiit ng NUJP sa isang pahayag ang katagang: “Hate speech is not justifiable.”

MTRCB, sinuspinde 2 shows ng SMNI

“The preventive suspension on the two SMNI shows was announced after the MTRCB reviewed the episodes in question and after a meeting with the network,” pahayag ng NUJP.

“While we are wary of government censorship, we note that the network was given due process on its potential violations, due process that was not given to the individuals and organizations that (SMNI anchors Lorraine) Badoy-Partosa and (Jeffrey) Celiz brazenly defamed on their show.”

“Freedom of expression and the freedom of the press are not blanket justifications for hate speech, vilification and threats,” dagdag pa nito.

Matatandaang ibinahagi ng MTRCB sa isang pahayag na sinuspinde nito ang “Laban Kasama ang Bayan” dahil sa “unverified report” nito hinggil sa umano’y ₱1.8 billion travel funds ni House Speaker Martin Romualdez.

Kamakailan lamang, iginiit ni Celiz sa telebisyon na gumastos umano si Romualdez ng ₱1.8 bilyon sa kaniyang mga paglalakbay para sa 2023.

Idineklara naman ng House Committee on Legislative Franchises si Celiz, maging ang kapwa niya SMNI host sa naturang programa na si Badoy, na “in contempt” dahil sa pagtanggi umano nilang sagutin ang tanong kung sino ang source nito sa naturang alegasyon, at dahil sa pagkilos daw nila sa isang “walang galang” na paraan.

Bukod dito, matatandaang inireklamo rin kamakailan ang dalawang SMNI hosts dahil sa patuloy umano nilang “pangre-redtag.”

Samantala, sinuspinde naman umano ng MTRCB ang “Gikan Sa Masa, Para Sa Masa” dahil daw sa “death threats” at “profane language” ng guests ng show sa dalawang episodes nito.

Kamakailan lamang, pinatutsadahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang show si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, at sinabing gagamitin umano ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ang confidential at intelligence funds (CIF) nito para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa.

“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ani Duterte kamakailan.