Natagpuang wala nang buhay ang 7-anyos na batang lalaki sa Leyte, Leyte matapos umanong kidnapin at kalauna’y paslangin ng errand boy o katulong ng kanilang pamilya.

Ayon sa mga ulat, inihayag ng pulisya na naiulat na nawawala ang 7-anyos na biktima na kinilalang si “Aaron,” mula sa Brgy. Palid sa Leyte, Leyte, noong Huwebes ng hapon, Disyembre 14.

Agad umanong nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang lokal na pulisya at base sa CCTV camera ay napag-alaman nilang dinala si Aaron ng errand boy ng kanilang pamilya na kinilalang si Kevin Lapu-Lapu y Maglasang, 27, sakay ng isang tricycle dakong 2:30 ng hapon noong Huwebes.

Pagsapit ng Biyernes, Disyembre 15, nag-report pa raw sa trabaho ang suspek na parang walang nangyari.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Inimbitahan naman umano ang suspek ng pulisya para sa interogasyon kaugnay ng nakita nila sa CCTV. Doon ay inamin na raw ng suspek na dinala niya ang biktima at iniwan sa Sitio Lawad, Brgy. Palid 1, Leyte, Leyte.

Kaagad namang nagsagawa ng search and retrieval operation ang lokal na pulisya kasama ang Leyte Police at nahanap ang biktima na wala nang buhay sa madamong lugar.

Matapos matagpuan ang biktima, umamin na umano ang suspek na pinatay niya ito. Ginawa raw niya ang krimen bilang paghihiganti sa pananakit ng ina ng biktima sa kaniyang nakababatang kapatid na nagtatrabaho rin bilang isang errand boy sa tindahan ng naturang pamilya.

Saad ng suspek, sinaktan ng ina ng biktima ang kaniyang nakababatang kapatid dahil nag-dirty finger daw ito sa isa pa nitong anak na menor de edad din.

Samantala, inamin din umano ng suspek na tinakpan niya ang bibig ng biktima at lumuhod sa tiyan nito hanggang sa mawalan na ito ng hininga. Pagkatapos nito ay agad umano niyang iniwan ang biktima sa pinangyarihan ng krimen at umuwi sa bahay ng kaniyang amo.

Napag-alaman din umanong bago mangyari ang naturang krimen, nauna nang nahatulan ang nasabing suspek ng kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sa Maynila, at nakalabas lamang ito sa kulungan matapos aprubahan ng korte ang kaniyang Plea-Bargaining agreement.

Samantala, matapos siyang basahan ng Miranda rights kaugnay ng pagpaslang sa bata, dinala na umano ang suspek sa Calubian MPS para sa kaukulang disposisyon at tinawagan ang Biliran Forensic Unit para iproseso ang pinangyarihan ng krimen.