Masayang inakyat ng hiker na si Arqam, 31, mula sa Zamboanga del Sur, ang Mt. Pulag kasama ang kaniyang baby cat.

“Living nine lives to the fullest 💞,” ani Arqam sa kaniyang post sa Facebook group na “CAT LOVERS PHILIPPINES,” kung saan umani na ito ng mahigit 3,600 reactions, 175 comments, at 239 shares.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Arqam na bagama’t taga-Zamboanga del Sur talaga siya, kasalukuyan daw siyang naninirahan sa Pampanga.

Nagsimula naman daw siyang maging hiker at maging outdoor enthusiast noong 2019, at naisip daw niyang isama sa kaniyang journey ang kaniyang fur babies para maramdaman din ng mga ito ang ganda ng paligid sa labas ng kanilang bahay.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

“Napakadaming magagandang tanawin at experience sa labas. Minsan lang ang buhay kaya kailangan din nila masulyapan ‘yung mga nakikita natin, ‘di lang sa ibang tao kundi na rin sa mga alaga natin,” ani Arqam sa Balita.

“Na-realize ko din kasi sa mga nakaraang mga alaga ko, nasa loob lang sila ng bahay buong buhay nila. Nakaka-guilty din kapag lagi silang nakakulong sa bahay,” saad pa niya.

Noong Nobyembre 19 daw nang akyatin nila ng kaniyang pusang si Gibby ang Mt. Pulag. Ito raw ang ikalawang bundok na naakyat ng naturang fur baby niya –ang una ay Mt. Ulap.

“Napakakalmado ni Gibby during hike hehe. Humahanap din siya ng diskarte para maging komportable siya sa balikat ko,” pagbabahagi ni Arqam.

“Enjoy po lalo na si gibby. mararamdaman mo masaya kasi lakas ng purr nya at lalo naging clingy,” saad pa niya.

Sa ngayon ay nilu-look forward daw ni Arqam ang iba pang outdoor activities kasama ang kaniyang fur babies, kung saan tine-train na rin daw niya sa pag-akyat ng bundok ang isa pa niyang pusa at partner ni Gibby na si “Cheng-Cheng.”