Natimbog ng Bureau of Customs (BOC) ang isang babaeng consignee ng mahigit ₱67.3 milyong shabu na mula sa Southeastern Africa matapos niya itong tanggapin sa Paircargo Warehouse sa Pasay City kamakailan.
Nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasabing suspek na hindi na binanggit ang pagkakakilanlan.
Sa paunang imbestigasyon, dumating sa bansa ang nasabing package na nauna nang idineklara bilang "bearing" mula sa Mozambique via Hong Kong, sakay ng Ethiopian Airlines flight ET644 nitong Disyembre 2.
TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list
Nagduda ang mga awtoridad sa laman ng package matapos isailalim sa X-ray scanning at nang buksan ay natuklasan ang 9,898 gramo ng illegal drugs.
Kaagad ding inaresto ang babaeng consignee matapos na i-claim ang package na naglalaman ng ilegal na droga.
Idinahilan naman ng suspek, ipinakuha lamang sa kanya ng partner nito na nakilala niya online ang naturang illegal drugs.
“The public is warned to be more aware of the variations of the love scam, where smugglers of illegal drugs use their Filipino partners to serve as couriers. Our laws are very clear that whoever is identified as the owner of the shipment remains under the pain of imprisonment if found to be in violation of the rules,” pagdidiin naman ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 (Anti-Illegal Drugs Act), at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang suspek.