Kinansela ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang nakatakdang lakad papuntang Dubai para sa World Climate Action Summit (COP28) upang tutukan umano ang sitwasyon ng 17 mga Pilipinong seafarer na hinostage sa Red Sea.

Inanunsyo ng pangulo ang naturang kanselasyon ilang sandali bago ang nakatakda niyang flight papuntang Dubai nitong Huwebes, Nobyembre 30.

"In light of important developments in the hostage situation involving 17 Filipino seafarers in the Red Sea, I have made the decision not to attend COP28 in Dubai tomorrow," ani Marcos sa kaniyang X post.

"Today, I will be convening a meeting to facilitate the dispatch of a high-level delegation to Tehran, Iran, with the aim of providing necessary assistance to our seafarers.”

National

Gov't, gagawin lahat ng makakaya upang mailigtas 17 Pinoy seafarers sa Yemen

“I have entrusted DENR Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga to lead the COP28 delegation and articulate the country's statement on my behalf,” saad pa niya.

Matatandaang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kamakailan na sinalakay ng mga rebeldeng Houthi ang cargo vessel na Galaxy Leader noong Nobyembre 19 at hinostage ang 25 mga tripulante, kabilang na ang naturang 17 Pinoy, bilang ganti umano sa opensiba ng Israel sa Gaza.

Nangako naman ang pamahalaan ng bansa na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mailigtas ang mga binihag na Pinoy.

Samantala, regular umanong nakikipag-ugnayan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga pamilya ng mga ito.