Marami ang naantig sa kuwento ni April Ceballos, 25, mula sa Carmen, North Cotabato na nagtiyaga sa pagbabakal-bote upang marating ang kaniyang pangarap na maging Certified Professional Teacher (LPT).

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni Ceballos na nagpursigi siyang magbakal-bote para magkaroon ng allowance noong mga panahong nag-aaral at nagre-review siya sa board exam para sa LPT.

“Sabi ko sa sarili ko na magpa-picture kaya ako while ako ay nagbakal-bote para pagdating ng panahon, i-post ko ang mga larawang ito kapag ako ay makapasa ng board exam. At dahil sa awa ng Diyos binigay niya sa akin ang mga hinihiling ko sa kaniya,” ani Ceballos.

Bukod sa pagbabakal-bote, kinuwento rin ni Ceballos na naranasan niyang mag-ulam ng alamang na may itlog sa loob ng tatlong buwan para mapagkasya ang kaniyang pera sa pagre-review sa board exam.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

“Tatlong beses din akong i-nubo dahil siguro sa palaging maalat ang ulam ko hahaha,” pagbabalik-tanaw ni Ceballos.

“Mga boardmate ko noon ay napakabango mga ulam nila tulad ng adobong manok at iba pa. Tuwing niyayaya nila ako na sumabay kumain, ang palagi kong sabi sa kanila ay tapos na po ako kumain mga ma'am and sir pero ang totoo ay mahiya akong sumabay sa kanila.”

“One time naranasan kong mag attempt na magnakaw ng ulam nila nong sila ay lumabas sa board house nila pero nag dadalawang isip ako na wag nalang baka makarma ako at ito pa ang dahilan na hindi ako makapasa ng board exam,” saad pa niya.

Dahil sa lahat ng kaniyang mga naranasan, labis ang pasasalamat ni Ceballos maging mga taong tumulong sa kaniya para makamit ang inaasam niyang tagumpay na pumasa sa March 2023 board exam.

“Sa mga kabataan na kagaya ko na mahirap, huwag mawalan ng pag-asa. Laban lang sa buhay. Naniniwala kasi ako na walang mahirap sa taong may pangarap,” mensahe rin niya sa kabataan.

Ni-repost din ng review center owner at naging senatorial aspirant na si Carl Balita ang naturang post ni Ceballos, kung saan umabot na ito sa mahigit 6,300 reactions, 88 comments, at 220 shares.

“Good example to everyone na nag-aaral pa at gustong makapagtapos sa college in any degree. Remember, poverty is not a hindrance,” komento pa ng isang netizen.