Tiniyak ni Manila Police District (MPD) Director PCOL Arnold Thomas Ibay nitong Martes na handang-handa na ang MPD sa pagtiyak ng peace and order situation para sa nalalapit na pagdiriwang ng panahon ng Kapaskuhan at Traslacion sa lungsod.

Ang pahayag ay ginawa ni Ibay nang dumalo sa "Balitaan" ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) na ginanap sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila, nitong Martes.

National

Chel Diokno sa pagtakbo ng Akbayan sa Kongreso: ‘Our record speaks for itself!’

Nabatid na ito ang kauna-unahang forum na dinaluhan ni Ibay, simula nang maupo siya bilang direktor ng MPD.

Ayon kay Ibay, nakalatag na ang kanilang mga planong ipapatupad para sa mga naturang aktibidad.

Plantsado na rin aniya ang lahat para matiyak na maayos pati ang daloy ng trapiko sa mga lugar sa Maynila, na inaasahang dadagsain ng mga tao ngayong Kapaskuhan, kabilang na ang Divisoria, Binondo at Quiapo, na itinuturing na shopping destinations sa holiday season.

Ani Ibay, base sa direktiba ni Manila Mayor Honey Lacuna, bagamat hindi maiiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko, ay dapat tiyakin nilang gumagalaw ito.

Ipinag-utos din aniya ng alkalde na siguruhing walang nakakalat na mga illegal vendors sa mga major roads at thoroughfares.

Dapat din aniyang siguruhin ang police visibility upang mapigilang mambiktima ng mga sibilyan ang mga kriminal.

Magtatayo rin sila ng mga help desks sa mga matataong lugar, gaya ng shopping malls, upang mag-abot ng tulong sa mga nangangailangan.

Tuluy-tuloy rin aniya ang mga checkpoints sa mga istratehikong lugar sa lungsod.