July 23, 2026

Home BALITA National

'Di ito katanggap-tanggap!' Sen. Bong Go, kinalampag PhilHealth sa viral post ng biyuda

'Di ito katanggap-tanggap!' Sen. Bong Go, kinalampag PhilHealth sa viral post ng biyuda
Photo courtesy: Bong Go/Maria Lourdes Sulit (FB)/MB File Photo

Nanawagan si Sen. Bong Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magpaliwanag kaugnay ng reklamong ibinahagi ng isang balo na umano'y hindi na-cover ng ahensya ang kanilang gastusing medikal sa kabila ng mga umiiral na benepisyo para sa mga miyembro nito, sa mister niyang nagkaroon ng brain hematoma.

"I was only asking for the benefits that my husband spent more than 25 years contributing to. He was a lifelong member. He paid faithfully throughout his working years. The hospital denied him treatment because we could not immediately produce the required amount. Then, after his death, #PhilHealth denied him benefits because he had been confined for less than 24 hours,” saad ni Maria Lourdes Sulit sa kaniyang post noong Sabado, Hunyo 13.

"What is the purpose of #PhilHealth if the people who have contributed for decades cannot access the benefits when they need them most?" saad pa ng ginang.

Sa isang pahayag, nagpahayag muna ng pakikiramay si Go sa pamilya Sulit at sinabing nakalulungkot ang naging karanasan ng mga ito na ibinahagi sa social media.

"Nakikiramay po ang aking buong opisina sa Sulit family. Nakakalungkot at nakakabahala po ang kuwento ni Ma'am Maria Lourdes sa kanyang social media post," ani Go sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Hunyo 14.

National

US Pres. Trump, ipapaalam kay Chinese Pres. XI Jinping 'concerns' ng Pilipinas—Palasyo

Ayon sa senador, mahalagang maberipika ang buong detalye ng insidente at malaman kung bakit hindi umano nasaklaw ng PhilHealth ang mga bayaring medikal ng pamilya.

"Mahalagang malaman ang buong katotohanan at rason kung bakit hindi na-cover ng PhilHealth ang kanilang medical bills," aniya.

Binanggit din ni Go na matagal nang ipinatigil ng PhilHealth ang tinawag niyang "anti-poor at illogical" na 24-hour confinement policy sa ilalim ng emergency care benefit program.

"Lalo pa't ipinatigil na ng PhilHealth ang anti-poor at illogical na 24-hr confinement policy nito sa ilalim ng emergency care benefit," saad niya.

Dahil dito, sinabi ng senador na kung mapatutunayang umiiral pa rin ang naturang polisiya sa ilang pagkakataon, hindi ito dapat palampasin.

"Kung totoo ngang naipapatupad pa rin ang naturang polisiya, hindi ito katanggap-tanggap dahil bilyon ang inilaang pondo para sa PhilHealth sa taong ito, bukod pa sa kontribusyon ng mga miyembro nito," diin ni Go.

Pinaalalahanan din niya ang ahensya na naging paksa na ng ilang pagdinig sa Senado ang pangangailangang magsagawa ng mga reporma upang mapabuti ang serbisyo nito sa publiko.

Aniya, bilang dating chairman ng Senate Committee on Health noong 19th Congress, sunod-sunod na pagdinig ang isinagawa upang itulak ang mga pagbabago sa PhilHealth.

"We expect PhilHealth to address this incident and update the public on its actions," pahayag pa ng senador.

Binigyang-diin din ni Go na ang pangunahing layunin ng PhilHealth ay magsilbing sandigan ng mga Pilipino sa oras ng karamdaman at hindi upang mag-ipon lamang ng pondo.

"Ang PhilHealth po ay hindi negosyo na dapat mag-ipon ng pondo. Ito ay medical insurance para sa lahat upang may masasandalan ang mga Pilipino kapag nagkasakit," ani Go.

Dagdag pa niya, dapat maramdaman ng mga miyembro ang benepisyo ng pondong kanilang iniaambag sa programa.

"Tandaan po natin na ang pondo ng PhilHealth ay pera ng taumbayan. Dapat lamang na ibalik sa kanila ito sa pamamagitan ng maayos na serbisyong medikal," pagtatapos ng senador.

Samantala, naglabas na rin ng pahayag ang PhilHealth tungkol sa isyu.

"We are aware of the circulating post regarding a PhilHealth member who passed away while in the process of being transferred to and assessed at a receiving hospital. We empathize deeply with the family who lost a loved one," mababasa sa pahayag ng ahensya.

"PhilHealth immediately mobilized, upon learning of the incident, to understand and address the situation. We have since reached out to the member’s wife and have agreed on the next steps as we explore all avenues of support."

"We are likewise coordinating with the hospitals to understand the circumstances of the situation, as part of our sustained efforts to improve PhilHealth's responsiveness."

"Please know that PhilHealth will always stand with our members, especially in their time of need," anila pa.

Maki-Balita: PhilHealth, nagsalita tungkol sa viral post; pasyente, nasawi at ‘di na-avail ang benefits?