Ayuda sa mga nilindol sa Mindanao, tuluy-tuloy -- DSWD
Hindi magugutom ang mga naapektuhan ng 6.8 magnitude na lindol sa Mindanao kamakailan, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paliwanag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, tuluy-tuloy ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong lugar sa Sarangani.
Kabilang sa mga lugar na naapektuhan ng pagyanig ang Malapatan at Glan sa naturang lalawigan.
Sinabi ng kalihim, nakipagpulong na siya sa mga opisyal sa lalawigan na pinamumunuan ni Sarangani Governor Rogelio Pacquiao kaugnay ng usapin.
“Napagkasunduan namin na hanggang sa kakailanganin ng mga local government unit ng suporta sa food packs, tuloy-tuloy 'yan," anang opisyal.
Bilang paunang tulong, namahagi na ang DSWD ng financial assistance sa 1,000 benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa mga residente ng Malapatan at Glan.