Tatlong weather systems ang patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Nobyembre 26.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, patuloy ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan, shear line at easterlies sa bansa.

Pagdating sa magiging panahon sa susunod na 24 oras, malaki umano ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Aurora, Quezon, Rizal, Laguna, Oriental Mindoro, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes bunsod ng shear line o ang banggaan umano ng mainit at malamig na hangin.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

National

Malacañang, ‘no comment’ sa mga tirada ni VP Sara kay PBBM

Maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, at Ifugao dahil sa amihan.

Inihayag din naman ng PAGASA na maaari ring magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrive Region, mga natitirang bahagi ng Central Luzon, at mga natitirang bahagi ng CALABARZON.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nanggagaling umano sa karagatang Pasipiko.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala umano silang binabantayan ang PAGASA na low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).