Iginiit ni dating presidential spokesperson Harry Roque na naging “paborito” umanong estudyante ni dating Senador Leila de Lima ang judge na pumayag sa kaniyang makapagpiyansa ukol sa huling drug case.

Sa kaniyang Facebook video nitong Lunes, Nobyembre 20, sinabi ni Roque na si Judge Gener Gito ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 umano ang paboritong estudyante noon ni De Lima sa San Beda College of Law.

“Ito palang si Judge Gito ay nagsimula ng kaniyang Law school sa San Beda, at siya pala ay naging paboritong estudyante sa Persons and Family Relations ni Leila de Lima,” saad ni Roque.

“Ang tanong ko, isinapubliko ba ni Judge Gito ang nakaraan niyang kasaysayan na siya ay naging paboritong estudyante ni Leila de Lima sa San Beda College of Law?” dagdag pa niya.

‘Makakalaya na!’ De Lima, pinayagang magpiyansa

Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye si Roque kung paanong naging paboritong estudyante ni De Lima si Gito.

Matatandaang noon lamang Nobyembre 13, 2023 nang payagan si De Lima ng korte na makapagpiyansa hinggil sa isa niyang natitirang drug case.

Unang nakulong si De Lima noong 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison, bagay na paulit-ulit niyang itinanggi.

Pinawalang-sala naman ng korte ang isa sa tatlong mga drug case ni De Lima noong 2021, habang noong Mayo 2023 nang ipawalang-sala rin ang ikalawang kaso ng dating senador.

https://balita.net.ph/2023/05/12/de-lima-pinawalang-sala-sa-isa-pang-drug-case/

Samantala, nito lamang Oktubre nang bawiin ng dalawang mga state witness ang kanilang mga testimonya laban kay De Lima matapos umano silang “makonsensya.”

https://balita.net.ph/2023/10/17/2-state-witnesses-ng-huling-drug-case-bumawi-ng-mga-testimonya-vs-de-lima/

Kasalukuyan namang nagpapatuloy ang paglitis sa isang natitirang kaso ni De Lima habang maaari siyang lumaya mula sa kulungan sa pamamagitan ng piyansa.

Habang sinusulat ito’y wala pa namang tugon o reaksyon si Gito o si De Lima sa naturang pahayag ni Roque.