Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na wala siyang ambisyong tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa 2028.

Sa isang panayam nitong Linggo, Nobyembre 19, tinanong si VP Duterte tungkol sa kaniyang reaksyon hinggil sa pahayag ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag na umano siyang mag-ambisyon na tumakbo bilang pangulo ng bansa sa 2028.

"Hindi ko naman talaga ambisyon na tumakbong vice president, lalong lalo na ang president. Alam n’yo naman lahat 'yan,” saad ng bise presidente.

"Sinabi ko noon na hindi ko gustong tumakbong president. Lahat ng ginagawa natin, we can only plan but it will truly be God's plan that will prevail," dagdag pa niya.

National

Ex-VP Leni sa pagsalubong niya kay PBBM: ‘Isang pagbibigay-respeto sa posisyon’

Matatandaang sa isang panayam sa “Gikan Sa Masa, Para sa Masa” ng SMNI noong Nobyembre 15, sinabi ni dating Pangulong Duterte na ayaw niyang tumakbo bilang susunod na pangulo ng bansa si VP Sara.

“Huwag ka nang mag-ambisyon, Inday (VP Sara). Anak kita. Ibigay mo na ‘yung bayan sa kanila. And let us see what will happen to this country,” saad ni dating Pangulong Duterte kamakailan.