Ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kung bakit nagkakaroon ng mga lindol sa Sarangani, Davao Occidental.

Sa isang primer na inilabas nitong Sabado, Nobyembre 18, inihayag ng Phivolcs nagkakaroon ng mga pagyanig sa Sarangani, maging sa kalapit na mga lugar nito, dahil matatagpuan umano ito sa isa sa “seismically active regions” ng bansa.

"The presence of offshore active faults and trenches, including an unnamed offshore fault east of Davao Occidental and the Cotabato Trench, contributes to seismic activity," paliwanag ng Phivolcs.

"Additionally, there are local faults in proximity, some potentially concealed by recent deposits capable of generating earthquakes ranging from minor to strong magnitudes," dagdag nito.

Mula magnitude 7.2: Lindol sa Davao Occidental, ibinaba sa M6.8

Iniulat din ng Phivolcs na mula taong 1917 hanggang 2017 ay nasa anim umano ang naiulat na malalakas na lindol (mula magnitude 5.7 hanggang magniture 8.0) na tumama sa Sarangani, Davao Occidental at mga kalapit nitong lugar.

“The last damaging earthquake in Sarangani, Davao Occidental and its vicinity was a M7.2 event that occurred on 29 April 2017,” saad ng Phivolcs.

Ang naturang primer ng Phivolcs ay kaugnay ng yumanig na magnitude 6.8 na lindol, na unang naiulat ng Phivolcs na magnitude 7.2, sa Sarangani, Davao Occidental dakong 4:14 ng hapon nitong Biyernes, Nobyembre 17.

Namataan umano ang epicenter ng naturang lindol 34 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Sarangani Island sa Sarangani, Davao Occidental, na may lalim na 72 kilometro.

Kaugnay nito, mula nitong Sabado ay pito na umano ang naiulat na nasawi at bina-validate ng Office of Civil Defense (OCD).

https://balita.net.ph/2023/11/18/7-naiulat-na-nasawi-sa-lindol-sa-davao-occidental-bina-validate-ng-ocd/