Hinahanap daw ng 9-anyos na batang babae ang pumanaw na mga magulang at mga kapatid habang patuloy na lumalaban sa ospital dahil sa kalunos-lunos na aksidente na sinapit ng kaniyang pamilya, ayon sa kaniyang tiyahin.

Noong Nobyembre 1, naaksidente ang pamilya Palupit sakay ng isang tricycle matapos araruhin ng isang Sports Utility Vehicle sa Barangay Bucal, Calamba, Laguna.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Dead on the spot ang padre de pamilya na si Gilbert, 36-anyos, habang dead on arrival naman sa ospital ang ina na si Aileen, 34; at mga anak na sina Akisha Gileen, 11; at Aleisha Gale, 4.

Nakaligtas ngunit nasawi rin kalaunan ang isa pang anak ni Gilbert na si Alyssa Joy, 12.

Samantala, nasa kritikal na kondisyon umano ngayon ang natitirang buhay sa pamilya na si Ayesha Gillan, 9 na taong gulang.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mary Ann Mae Palupit, tiyahin ni Ayesha at bunsong kapatid ni Gilbert, kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) daw ang bata.

Ayon kay Mary Ann, bali ang dalawang buto ni Ayesha sa paa. Nagkaroon na rin daw ng nana ang mga sugat nito kaya may machine na ginagamit para higupin ang nana.

“Iniinda ng bata na nasakit ‘yung paa niya kaya hanggang ngayon nasa ICU pa rin siya. ‘Yung head injury naman niya nagiging okay na kasi naalis na ‘yung tahi sa ginawang opera sa ulo niya,” dagdag pa ni Mary Ann.

Bukod dito, isa rin sa ikinalulungkot ng mga kaanak ni Ayesha ay hindi pa nito alam ang tunay na nangyari sa kaniyang mga magulang at mga kapatid.

“Nakakausap naman [si Ayesha] kaso po panay sinasabi niya ‘yung nararamdaman niya. Hinahanap niya mga kapatid niya. Hanggang ngayon hindi pa rin niya alam ang nangyari sa mga magulang at mga kapatid niya,” saad ng tiyahin ng bata.

Sinasabi na lamang daw nila na sa ibang ospital nagpapagaling ang mga ito. Nahihirapan daw sila dahil hindi nila alam kung paano sasabihin sa bata.

Nailibing na noong Linggo, Nobyembre 12, ang mga nasawi.

Habang isinusulat ito, umaabot na sa mahigit P400,000 ang bill ni Ayesha sa ospital. Sinabi rin ni Mary Ann na sila na ang bumibili ng mga gamot nito dahil naka-hold yung account ng bata dahil sa laki ng babayaran.

Kaya naman humihingi ng tulong ang mga kaanak ni Ayesha para sa pagpapagamot at iba pang gastusin nito.

Narito ang ilang detalye:

GCash

Maxima Palupit

09503465356

Maya

Mary Ann Mae Palupit

09662947327

Maaari rin kontakin mismo si Mary Ann sa kaniyang Facebook account sa mga nagnanais na idirekta ang tulong.

(update) Sa kabila ng kinahaharap na patong-patong na kaso, nakapagpiyansa sa halagang P120,000 ang suspek na si Alyssa Mae Abitria.

Ang mga kaso niya ay "reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries, multiple damage to properties at violation under RA 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.”