Natagpuan na ang isang mangingisda nang maiulat na nawawala habang nasa laot sa Quezon nitong Nobyembre 14 ng madaling araw.

Sa report ng Philippine Coast Guard (PCG), nakarating si Willie Miranda, 50, taga-Brgy. Poblacion, Patnanungan, Quezon, sa Mauban, Quezon matapos tangayin ng alon ang sinasakyang MB Saint Anthony matapos masiraan ng makina sa laot malapit sa Polillo Island.

Binanggit ng PCG, nakituloy muna si Miranda sa kapatid nito sa Brgy. Cagbalete 1, matapos mawala sa laot sa loob ng dalawang araw.

Sa pahayag ni Miranda, pumalaot siya nitong Martes ng madaling araw upang mangisda. Gayunman, nagkaaberya ang sinasakyang bangka matapos hampasin ng malalaking alon.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Matapos hindi makauwi sa kanyang pamilya kinagabihan, ini-report na ito sa PCG na kaagad namang naglunsad ng search and rescue operation.

Nasa maayos na kalagayan na si Miranda matapos sumailalim sa medical examination, ayon pa sa PCG.

Kaugnay nito, nanawagan ang Coast Guard sa mga mangingisda na iwasang pumalaot sakaling masama ang lagay ng panahon upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.