Muling iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabalak si House Speaker Martin Romualdez na tumakbo sa 2028 presidential elections.
Sa isang panayam sa “Gikan Sa Masa, Para sa Masa” ng SMNI nitong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 15, muling sinabi ni Duterte na ayaw niyang tumakbo bilang susunod na pangulo ng bansa ang kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte.
“Huwag ka nang mag-ambisyon, Inday (VP Sara). Anak kita. Ibigay mo na ‘yung bayan sa kanila. And let us see what will happen to this country,” ani Duterte.
“Kayong mga Pilipino, Romualdez, gustong tumakbo na presidente, bumoto kayo. Mag-experiment tayo… Ikaw, Romualdez, ako na ang magkampanya sa’yo, ngayon na. Mga Filipino people, subukan ninyo si Romualdez na pinsan ni Marcos, na anak ni senior Marcos, sige, botohan na ninyo,” saad pa niya.
Samantala, sa naturang panayam ay sinabi rin ng dating pangulo na naniniwala siyang hindi mananalo si Romualdez kapag tumakbo ito bilang presidente sa susunod na eleksyon.
"Romualdez, tatakbo ka na presidente? Hindi ka mananalo sa Leyte. Hanggang sa Leyte lang... dito sa side na Leyte kung saan ako pinanganak, ma-zero-zero ka doon. Lalo na Mindanao, lalo na Bisaya, lalo na mga Tagalog, galit sa inyo," saad ni Duterte.
Matatandaang kamakailan lamang ay pinatutsadahan din ni Duterte si Romualdez sa panayam sa SMNI kung saan sinabi niyang magde-demand siya ng audit kung paano ginastos ni Romualdez ang pondo ng publiko kapag tumakbo raw ito bilang pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.
Sinabi rin ng dating pangulo kamakailan na ang Kongreso umano ang “most rotten institution” sa bansa, dahil wala umanong “limit” ang “pork barrel” nito.