Consultancy firm sa Maynila, ipinasara dahil sa illegal recruitment case

(DMW/FB)
Consultancy firm sa Maynila, ipinasara dahil sa illegal recruitment case
Ikinandado ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang consultancy firm dahil sa reklamong illegal recruitment kung saan pinapangakuan ang mga aplikante na mabigyan ng trabaho sa ibang bansa.
Sa social media post ng DMW, ang operasyon laban sa Double D Training Consultancy Services (DDTC) na nasa Room 301, MBI Building, Ronquillo, Ongpin Streets sa Sta. Cruz, Maynila, ay isinagawa sa tulong ng mga tauhan ng Manila Police District.
Paliwanag ng DMW, walang lisensya ang DDTC upang mangalap at magpadala ng mga seaman sa mga employer sa ibang bansa.
“To our kababayans, especially those who want to work overseas, do not deal with consultancy firms that offer to get you jobs abroad. Always check the DMW website (www.dmw.gov.ph) for the list of licensed agencies and approved job orders. Itong si DDTC wala silang lisensya kaya wala silang karapatan na mag-hire o mag-deploy ng seafarers sa abroad,” babala ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac.
Inihahanda na ang kaso laban sa mga may-ari ng nasabing consultancy firm.