Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 448 pasahero ng isang roll on, roll off (RoRo) vessel matapos tumagilid habang bumibiyahe sa karagatang sakop ng Laguindingan, Misamis Oriental patungong Cebu nitong Linggo ng gabi.

Sa paunang imbestigasyon ng PCG, galing Cagayan de Oro ang MV Filipinas CDO at patungo na sana sa Cebu nang maganap ang insidente nitong Nobyembre 12, dakong 8:05 ng gabi.

Bigla na lamang tumagilid ang barko habang naglalayag sa bahagi ng Laguindingan, Misamis Oriental, ayon sa Coast Guard.

Isinisi ang insidente sa malakas na hangin na dulot ng masamang lagay ng panahon.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Dahil dito, bumalik na lamang ang barko at dumating sa Cagayan de Oro Port dakong 11:20 ng gabi.

Ipinahayag naman ni PCG Spokesperson Armando Balilo, iniimbestigahan na nila ang insidente na nag-ugat sa pagluwag ng tali ng mga sasakyang lulan ng barko.