Nagpahayag ng pasasalamat si Vice President at Department of Education (DepEd) Sara Duterte sa patuloy umanong pagsuporta ni Senador Imee Marcos sa kanilang pamilya.

Sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes, Nobyembre 10, na inulat ng News 5, sinabi ni Duterte na may pinagdadaanan ngayon ang kanilang pamilya sa pulitika, at nagpapasalamat daw siya kay Marcos sa suporta nito.

“It is true that the political side of our family is going through a rough patch right now,” ani Duterte.

“Nagpapasalamat ako kay Senator Imee Marcos sa kaniyang patuloy na pagsuporta sa pulitika sa aming pamilya,” dagdag pa niya.

Imee Marcos, ‘loyalista’ ni Duterte: ‘Kahit ako ang nag-iisang matira’

Matatandaang naglabas ng pahayag si Marcos kamakailan upang ipaabot ang kaniyang suporta sa pamilya Duterte, lalo na kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kahit ako ang nag-iisang matira, maninindigan ako para sa kanya,” saad pa ng senador.

Ang nasabing pahayag ng pagsuporta ni Marcos kay dating Pangulong Duterte ay nangyari sa gitna ng kontrobersiya nito sa pagitan ng Kamara matapos nitong sabihin sa isang panayam sa telebisyon kamakailan na ang Kongreso umano ang “most rotten institution” sa bansa.

Magde-demand din daw ang dating pangulo ng audit kung paano ginastos ni House Speaker Martin Romualdez ang pondo ng publiko kapag tumakbo raw ito bilang Pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.

Ang naturang pahayag ng dating pangulo ay may kaugnayan sa isyu ng confidential funds ng kaniyang anak na si VP Sara.

https://balita.net.ph/2023/10/13/ex-pres-rodrigo-duterte-magde-demand-ng-audit-pag-tumakbo-bilang-pangulo-si-romualdez/

Dahil naman sa pahayag ni dating Pangulong Duterte, inihain sa Kamara ang House Resolution No.1414, na naglalayon umanong pagtibayin ang integridad ng Kamara at magpahayag ng “appreciation,” “solidarity,” at suporta para sa leadership ni Romualdez.

Samantala, matatandaang inihayag ni Romualdez kamakailan na titindig siya at lalabanan ang naninira at nananakot umano sa Kamara.

https://balita.net.ph/2023/11/07/titindig-ako-romualdez-nangakong-lalabanan-umaatake-sa-kamara/

Pagkatapos ihain ang naturang resolusyon ay inalis bilang mga deputy speaker ang mga kilalang kaalyado ni Duterte na sina Pampanga 2nd district congresswoman at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Davao City 3rd district Rep. Isidro Ungab.

https://balita.net.ph/2023/11/07/arroyo-ungab-pinatalsik-ng-kamara-bilang-deputy-speakers/

Kaugnay na Balita:

https://balita.net.ph/2023/11/09/vp-sara-di-na-ipupursige-ang-confidential-funds-ng-ovp-para-sa-2024/

https://balita.net.ph/2023/11/10/vp-sara-isinuko-na-rin-hiling-ng-deped-na-2024-confidential-funds/