Pinaniniwalaang nalutas na ng pulisya ang kaso ng pagpatay sa isang pamilya na binubuo ng tatlong miyembro sa Surigao City nitong Biyernes matapos madakip ang suspek sa krimen.

Sa panayam, kinilala ni Surigao City Police chief, Lt. Col. Diomedes Cuadra, Jr. ang suspek na si taga-Alejandro Ultado Cortes, 20, at taga-Basilisa, Dinagat Islands.

Probinsya

74-anyos na lolang hinabol ang alagang pusa, patay matapos mabangga

Si Cortes ay itinuturong responsable umano sa pagpatay kay Mylene Golloso Virgen, 40, at sa dalawa niyang anak na sina John David, 13, at Mary Elizabeth, 9, sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Looc, Barangay Luna, Surigao City nitong Nobyembre 10 ng hapon.

"The other daughter of Mylene Virgen who survived the incident identified the suspect as the person who committed the crime,” ani Cuadra.

Sinabi ni Cuadra, may relasyon umano sa suspek ang nakaligtas na anak ni Virgen. 

Nagalit aniya ang suspek nang marinig na tutol si Virgen sa relasyon nila ng anak dahil isa pa itong menor de edad.

Sa pahayag ng anak ni Virgen, dumating ang suspek sa kanilang bahay at kumuha ng itak na ginamit sa pamamaslang sa mga biktima.

Nakatakas naman ang anak ni Virgen at nagtago sa Gawad Kalinga center sa kanilang lugar.

Nahaharap na sa kasong murder ang suspek dahil sa pagpatay kay Virgen. 

Bukod dito, kakasuhan din ng two counts ng murder si Cortes dahil may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) ang pagpatay nito sa dalawang menor de edad.

PNA