Kinaaliwan ng mga netizen ang cute crochet dolls ng isang crochet artist mula sa Laguna na ibinahagi niya sa isang online community para sa mga kagaya niyang hobby o libangan ang paggawa ng crochet.
Cute na cute ang mga netizen sa kaniyang crochet artwork na matiyaga at masinsin niyang ginawa, na ang inspirasyon ay sa popular na online game na "Genshin Impact" o GI.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa crochet artist na si Mia Clarissa Janette de Leon, 29 anyos mula sa Sta. Rosa, nasa elementarya pa lamang siya ay mahilig na siya sa crocheting, subalit mas tinutukan pa niya ito sa kasagsagan ng pandemya, lalo na noong kumikita na siya rito.
"Nag-start po talaga ako during pandemic pang-support sa financial expenses, pero since elementary pa ako nahilig sa crocheting, more on Genshin Impact characters po ang best seller ko, pero gumagawa din po ako ng mga mini me, Disney inspired and other mobile game characters," anang Mia.
Kadalasan daw ay tumatagal ng dalawa hanggang tatlong araw ang paggawa niya ng karaniwang crochet dolls, subalit kapag Genshin Impact o iba pang anime characters, tumatagal ito ng apat hanggang limang araw.
Sa ngayon daw, full-time ang paggawa ni Mia ng crochet dolls dahil talagang kumikita siya rito.
Para sa mga nagnanais magpagawa ng crochet dolls kay Mia, mangyaring makipag-ugnayan sa kaniyang social media platforms.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!