Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer ng pribadong sektor sa bansa na ipamigay na ang 13th month pay ng mga manggagawa sa petsang hindi lalampas sa Disyembre 24, 2023.

Ayon sa DOLE nitong Sabado, Nobyembre 11, inilabas ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma kamakailan ang Labor Advisory No. 25, Series of 2023 upang gabayan ang mga employer at manggagawa sa tamang pagkalkula ng mandatoryong benepisyo alinsunod sa Labor Code of the Philippines at Presidential Decree No. 851.

Nakasaad naman sa Presidential Decree No. 851 na dapat bayaran ng lahat ng mga employer ang kanilang mga empleyado ng 13th-month pay.

“[The 13th month pay] shall be paid to rank-and-file employees in the private sector regardless of their position, designation, or employment status, and irrespective of the method by which their wages are paid, provided that they have worked for at least one month during the calendar year,” nakasaad sa nasabing Labor Advisory.

National

Kanlaon, nakapagtala ng 4 volcanic earthquakes – Phivolcs

Karapat-dapat umano sa benepisyo ang mga rank-and-file employees na binabayaran sa piece-rate basis, fixed, o guaranteed wage plus commission; ang mga may multiple employers; mga nag-resign; mga natanggal sa trabaho; o mga nasa maternity leave at nakatanggap ng salary differential.

Nilinaw din ng DOLE na hindi nito papayagan ang mga kahilingan para sa exemption o pagpapaliban sa pagbabayad ng 13th month pay.