BAGUIO CITY - Narekober ng pulisya ang sports utility vehicle (SUV) na umano'y konektado sa pagkawala ni Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon sa Batangas City.

Sa pulong balitaan nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Philippine National Police spokesperson Col. Jean Fajardo, isang Honda CR-V ang narekober sa bakanteng lugar sa panulukan ng Dumuclay Road at Star Tollway sa Brgy. Pallocan East nitong Huwebes.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Aniya, nakita ng mga residente ang SUV sa naturang lugar nitong Miyerkules at ini-report sa pulisya kinabukasan.

"The car is now in the custody of our forensic group, particularly the regional field unit in Batangas. They would conduct a forensic examination which includes macro etching of the engine and together with our Highway Patrol Group, they would check its chassis and engine number so we can determine who is the owner of this vehicle. We would also check if we can lift fingerprints or bloodstains from it," ani Fajardo.

Kamakailan, dalawang testigo ang lumantad sa Criminal Investigation and Detection Group-Calabarzon (CIDG - 4A) at sinabing nakita umano nila ang bangkay ng isang duguang babae habang inililipat ng tatlong lalaki sa Honda CR-V mula sa Nissan Juke nitong Oktubre 12 ng gabi, ilang oras bago maiulat na nawawala.

Huling nakitang buhay si Camilon sa isang mall sa Lemery, Batangas.

Tumawag pa ito sa kanyang pamilya upang ipaalam na nasa Bauan na ito sa nasabi ring lalawigan at may kakatagpuin sa Batangas City.

Nitong Oktubre 27, tinukoy ng pulisya ang isang pulis bilang "person of interest" sa pagkawala ni Camilon.

Sinibak na muna sa puwesto ang naturang pulis habang isinasailalim sa imbestigasyon.

PNA