Siyam na tripulante ng isang fishing vessel ang nasa kustodiya ng Philippine Navy (PN) matapos maaktuhang ibinibiyahe ang kargang puslit na sigarilyo sa karagatang sakop ng Balut Island, Sarangani, Davao Occidental kamakailan.

Hindi isinapubliko ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng 9 tripulante ng M/B Princess Sarah, kabilang ang isang menor de edad.

Sa pahayag ng PN, nagsasagawa ng territorial defense operations ang mga tauhan ng Naval Forces Eastern Mindanao (NFEM) nang mapansin ang kahina-kahinang fishing vessel nitong Nobyembre 5.

Nang hindi tumutugon sa kanilang radio communication, kaagad na hinarang ng mga tropa ng pamahalaan ang bangka.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Kaagad ding nagsagawa ng Visit, Board, Search and Seizure (VBSS) ang grupo at natagpuan sa bangka ang 600 kahon ng sigarilyo na walang papeles.

Hinatak na ang fishing vessel patungong NFEM headquarters sa Naval Station Felix Apolinario, Panacan, Davao City.

Iniimbestigahan pa rin ang siyam na tripulante upang matukoy ang mga kasabwat sa sindikato.