
(PCG/FB)
RoRo vessel, sumadsad sa Masbate
Isang roll-on, roll off (RoRo)/passenger vessel ang sumadsad sa bahagi ng Mobo, Masbate kamakailan.
Sa report ng Philippine Coast Guard (PCG), nagmamaniobra na ang MV Pio V. Corpuz Star patungong Mobo Port nang biglang tangayin ng malakas na hangin nitong Nobyembre 4.
Dahil dito, sumadsad ang barko na pag-aari ng Kho Shipping Lines.
Sa pahayag ng kapitan, nasira ang unahang bahagi ng barko na resulta ng insidente. Gayunman, hindi pinasok ng tubig ang engine room nito.
Wala ring bakas ng oil spill sa lugar batay na rin sa isinagawang inspeksyon ng Coast Guard at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Hindi binanggit ng PCG kung saan galing ang barko at kung ilan ang pasahero nito nang maganap ang insidente.
Hinila na rin ang barko patungo sa naturang daungan sa tulong na rin ng MV RICARDO 5 na pag-aari rin ng naturang kumpanya.
Tiniyak din ng PCG at MDRRMO na hindi makaaapekto sa paglalayag ng barko ang naganap na insidente.