Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes, Oktubre 30, dahil sa trough ng low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR), northeast monsoon o amihan, at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region at Eastern Visayas dahil sa trough of LPA o shear line.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Malaki naman ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Isabela, at Aurora dahil sa amihan.

Pinaos pa: Bayad ng UniTeam kay Andrew E, sinayang lang daw—Guanzon

Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains naman ang inaasahang maranasan Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, mga natitirang bahagi ng Central Luzon, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley bunsod din ng amihan.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Samantala, posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Inihayag naman ng PAGASA na huling namataan ang naturang LPA sa loob ng PAR 995 kilometro ang layo sa silangan ng Visayas.

Sa ngayon ay maliit pa umano ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA ngunit posible na umano itong magdala ng mga pag-ulan sa mga bahagi ng Luzon at Visayas sa mga susunod na araw.