Patay ang team leader ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Iloilo City Police matapos pagbabarilin ng isa sa tatlong high-value individuals (HVIs) sa ikinasang anti-drug operation nitong Linggo na ikinasamsam ng ₱7.8 milyong halaga ng illegal drugs.

Ito ang kinumpirma ni City Police Office director col. Joeresty Coronica sa isang pulong balitaan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Aniya, dead on arrival sa ospital ang biktima na si Staff Sgt. Michael Malan, 42, taga-Brgy. Calaparan, Arevalo district, Iloilo City, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

“The SWAT team augmented our police operatives. The armed suspect fired at the operating team while he was about to be arrested,” ani Coronica.

Ang operasyon ay isinagawa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU), Regional Police Drug Enforcement Unit at Iloilo City Police station 1 laban sa tatlong suspek dakong 11:30 ng umaga.

Gayunman, tumakbo umano ang isa sa suspek matapos maramdamang nagpapanggap na buyer ang kanyang ka-transaksyon.

Habang tumatakas ay pinapaputukan nito ang mga pulis na nagresulta sa pagkasawi ni Malan.

Nakumpiska ng pulisya ang 1,156 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱7.8 milyon, ₱20,000 marked money at isang 9mm pistol.

Hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek dahil iniimbestigahan pa umano ang kaso sa ikatutukoy ng mga miyembro ng sindikato. 

PNA