Higit 8,000 pamilyang apektado ng Chikungunya sa Mt. Province, inaayudahan na! -- DSWD
Inaayudahan na ng gobyerno ang mahigit sa halos 8,400 pamilyang apektado ng Chikungunya outbreak sa Paracelis, Mt. Province.
Sa Facebook post ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Cordillera Administrative Region (CAR), nasa 834 pamilya na mula sa Barangay Poblacion ang nabigyan ng family food packs ngayong linggo.
Paglilinaw ng DSWD, unang bugso pa lang ito ng pamimigay nila ng ayuda sa naturang bayan.
Paliwanag ng ahensya, susunod na pupuntahan nila ang Brgy. Anonat, Palitud at Poblacion kung saan nakatira ang 1,980 pamilya.
"Ang pamimigay ng FFPs ay karagdagang tulong ng DSWD, maliban sa ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa higit 8,000 libong pamilya na apektado ng nasabing sakit," anang ahensya.
Matatandaang isinailalim sa state of calamity ang nasabing bayan nitong Agosto 25 dahil na rin sa Chikungunya outbreak.
Ang Chikungunya virus na inihahawa ng mga lamok ay nagdudulot ng matinding sakit sa kasu-kasuan at lagnat.