Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino community sa Saudi Arabia na ipagpapatuloy niya ang nasimulan ng kaniyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1980s.

Sa kaniyang talumpati nang bumisita sa Riyadh noong Biyernes ng gabi, Oktubre 20, na inulat ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni PBBM na ipagpapatuloy niya ang magandang ugnayan ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia na sinimulan ng kaniyang ama.

“And I, as his son, and now as President will continue in the tradition,” aniya habang inaalala niya ang naging pagbisita ng kaniyang ama sa Kingdom of Saudi Arabia noong 1982, kung saan ito umano ang unang Pangulo ng bansa na bumisita sa Middle East country.

Ayon kay Marcos Jr., bumisita ang kaniyang ama sa Saudi Arabia noong 1982 kung saan nakadaupang-palad umano nito si his majesty King Khalid bin Abdulaziz Al Saud upang i-renew ang magandang ugnayan ng Pilipinas at Saudi Arabia at tiyaking mananatiling mabuting magkaibigan ang dalawang bansa.

Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa

“Ipagpapatuloy po natin, at ‘yan po ang naging bahagi sa ating pagpunta rito ay para kausapin ulit ang ating mga kaibigan dito sa Saudi Arabia at hindi lamang sa Saudi Arabia kung hindi dito sa Middle East upang tiyakin na ang kalagayan naman ng ating mga mamamayan, ng ating mga Pilipino ay nasa mabuti,” saad pa niya.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang gobyerno ng Pilipinas at Saudi Arabia ay palaging nagbubukas ng kanilang linya para pag-usapan ang anumang isyu na maaaring lumabas sa pagitan ng dalawang bansa, lalo na raw pagdating sa kapakanan ng mga OFW at Filipino community.

Kinilala ng Pilipinas ang Kingdom of Saudi Arabia noong Nobyembre 15, 1949, kung saan nagtatag ang dalawang bansa ng relasyong diplomatiko noong Oktubre 24, 1969.

Nakatakda namang magdiwang ang dalawang bansa ng ika-54 na anibersaryo ng kanilang diplomatikong relasyon ngayong 2023.