Sinuspinde ni Governor Dorothy Montejo-Gonzaga ang mga klase sa probinsya ng Davao de Oro dahil sa nangyaring magnitude 5.9 na lindol sa probinsya nitong Biyernes ng madaling araw, Oktubre 20.

Sa inilabas na memorandum order nitong Biyernes, suspendido ang mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Davao de Oro.

Inatasan din ni Gonzaga ang mga lokal na awtoridad na magsagawa ng structural integrity assessments sa mga imprastraktura upang masiguro umano ang kaligtasan ng mga bata.

Iniulat naman ni Franz Irag, information officer ng Office of Civil Defense (OCD)-Davao, na nagkaroon umano ng power interruption sa Pantukan sa Davao de Oro at Caraga, Lupon, San Isidro, Tarragona, at Mati City sa Davao Oriental ilang sandali matapos ang nangyaring lindol dakong 2:58 ng madaling araw.

Davao de Oro, niyanig ng magnitude 5.9 na lindol

Naibalik naman umano ang kuryente dakong 6:56 ng umaga.

Sinabi rin ni Irag na patuloy ang kanilang pagsusuri sa posibleng pinsala sa mga lugar na naapektuhan ng pagyanig.

Sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), namataan ang epicenter ng naturang lindol 35 kilometro ang layo sa timog-silangan ng New Bataan, Davao de Oro, na may lalim na 13 kilometro.