Ipinahayag ni Senador Bong Go na tiwala siya sa kakayahan at integridad ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte bilang isa umanong lingkod bayan.

Ito ay matapos maglabas muli ng pahayag si Duterte hinggil sa mga kritiko ng confidential funds ng kaniyang mga tanggapan na Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“Buo ang aking suporta kay Vice President Sara Duterte. Tiwala ako sa kanyang kakayahan at integridad bilang isang lingkod bayan. Kasama na rito ang tamang paggamit ng pondo ng taumbayan, para sa taumbayan,” pahayag ni Go nitong Huwebes, Oktubre 19.

VP Sara sa mga kritiko ng CIFs: ‘Hindi ito ang panahon ng paninira at pamumulitika’

“Bilang siya rin ang ating kalihim ng edukasyon, suportado ko ang kanyang hangarin na mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mga kabataan at masiguro ang kaligtasan ng ating mga anak.”

“Naipamalas na niya ito bilang alkalde ng Davao City kung saan bilang chair ng City Peace and Order Council at miyembro ng Regional Peace and Order Council ay naging tahimik, mapayapa at insurgency-free ang siyudad at buong Davao Region,” dagdag pa niya.

Samantala, iginiit din ng senador na patuloy umanong ipinapakita ni Duterte ang kaniyang angking “tapang” at “ malasakit” bilang kasalukuyang Vice Chair ng NTF-ELCAC upang isulong umano ang kapakanan ng mga mamamayan ng bansa.

“Kaya sa kabila ng mga hamon na hinaharap ng bansa, sana ay magkaisa na lang tayo at sama-samang tulungan ang gobyerno sa pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., kasama ang ating Pangalawang Pangulong Sara Duterte, upang maisakatuparan ang ating iisang hangarin na mabigyan ng mas matatag, maginhawa at ligtas na bansa ang bawat Pilipino na ating pinaglilingkuran,” saad ni Go.

“As VP Sara said, given the global and local issues affecting our economy which adds to the burden carried by ordinary Filipinos, let us not succumb to bickering and politicking. Instead, let us be part of the solution and focus on the tasks at hand as public servants. Serbisyo muna bago pulitika,” dagdag pa niya.

Matatandaang napabalita kamakailan ang naging desisyon ng Kamara na aalisin ang pinagsamang ₱650 milyong confidential funds ng OVP at DepEd para sa 2024, upang ilipat umano sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

https://balita.net.ph/2023/09/29/%e2%82%b1650-m-confidential-funds-ng-ovp-deped-ililipat-sa-security-agencies-house-leader/

Ang OVP at DepEd ni Duterte dalawa sa limang mga ahensya ng gobyerno na tinanggalan ng Kamara ng CIFs sa 2024 upang ilipat umano sa mga ahensyang nakatututok sa WPS at “peace and order” ng bansa.

https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/