Inihain sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong gawing regular holiday ang Pebrero 25 kada taon upang gunitain ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I.
Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, ang principal sponsor ng House Bill No. 9405 na inihain nitong Lunes, Oktubre 16, dapat umanong maging regular holiday ang Pebrero 25 kada taon upang hindi raw makalimutan ng bawat isa ang naging tagumpay ng mga Pilipino laban sa nangyaring opresyon umano sa “darkest era” ng kasaysayan ng bansa.
“There must be a law institutionalizing the celebration as a regular national public non-working holiday of the Edsa People Power Revolution which started on 22 February 1986 and culminated on 25 February 1986 with the popular and peaceful ouster of President Ferdinand Marcos Sr. as dictator of his martial law regime,” ani Lagman sa kaniyang explanatory note.
Sa ilalim ng panukalang batas, isang EDSA Commission na binubuo ng iba't ibang mga ahensya ang muli ring bubuuin upang magsagawa umano ng iba't ibang aktibidad para sa makasaysayang kaganapan.
Hindi naman bababa sa ₱10 milyon mula sa taunang budget ng pamahalaan at private donations ang gagamitin para pondohan ang nasabing mga aktibidad.
Inihain ni Lagman ang naturang panukala matapos mapabalitang hindi isinama ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anibersaryo ng EDSA sa listahan ng holidays para sa taong 2024.
Paliwanag ng Office of the President kamakailan, hindi umano ito nakasama sa listahan ng special non-working days dahil natapat daw ang Pebrero 25, 2024 sa araw ng Linggo.
https://balita.net.ph/2023/10/13/op-may-pahayag-sa-di-pagsama-sa-edsa-anniversary-sa-holidays-para-sa-2024/