Pinahintulutan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maging batas ang panukalang naglalayong ipangalan kay Senador Miriam Defensor-Santiago ang dalawang kalsada sa Quezon City.

Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Sabado, Oktubre 14, nag-lapse into law umano ang Republic Act (RA) No. 11963 noong Huwebes, Oktubre 12, dahilan kaya’t pangangalanan nang Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue ang Agham Road at BIR Road sa QC.

Naging batas umano ang RA 11962 na may titulong “Act Renaming the Agham Road and the BIR Road, Stretching from North Avenue, Traversing Through Quezon Avenue, Up to East Avenue, All Located in Quezon City, As Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue,” nang walang lagda ng Pangulo, alinsunod sa Article VI, Section 27 ng Konstitusyon.

“The Department of Public Works and Highways shall issue the necessary rules, orders and circulars to implement the provisions of this Act within 60 days from its effectivity,” nakasaad sa batas.

QC gov’t, suportado pagpapangalan sa 2 kalsada kay Sen. Miriam Defensor-Santiago

Magiging epektibo naman umano ang naturang batas 15 araw matapos ang publikasyon nito sa Official Gazette.

Matatandaang ipinasa ng Kamara ang R.A. 11963 noong Marso 21, 2023, at ng Senado noong Agosto 14, 2023.

Kamakailan lamang ay nagpahayag din ng suporta ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagpapasa ng naturang pagpapangalan kay Santiago ng dalawang kalsada sa lungsod.