“Pinulutan” nina Cristy Fermin, Romel Chika, at Wendell Alvarez si “Unkabogable Star” Vice Ganda sa kanilang usapan sa “Showbiz Now Na” nitong Huwebes, Oktubre 5.
Ayon kay Cristy, kung nagpapakumbaba umano ang grupo ni Vice maski man lang sa publiko, hindi raw umano “lalalim” o “didiin” ang kanilang hinaharap na problema.
“Kaso, ‘di ba, wala naman po kasi tayong nakikitang ganoon,” sabi ni Cristy.
Hindi tuloy maiwasang maikumpara ni Wendell si Vice sa drag artist na si Pura Luka Vega na nagtapang-tapangan daw noong una pero nang mademanda na, humingi ng tulong pinansiyal sa mga tao.
“Itong si Vice Ganda, ang tapang niya, ‘di ba. Sabihin, wala kaming ginawang kasalanan,” sabi ni Wendell.
Pero ayon kay Cristy, huwad na katapangan lang umano ang ipinapakita ni Vice. Ganoon daw talaga kapag nadidiin ang tao sa isang sitwasyon, kailangang maging matapang kahit kunwari lang.
“Kung dudukutin po natin ang puso ni Vice Ganda, nandoon din po ‘yung pag-aalala at pagdadala ng problema. Kaya lang, gusto niyang ipakita sa tao na matapang siya, e,” dagdag pa ni Cristy.
“‘Yun ang magpapasama sa kanila,” sundot naman ni Romel.
Matatandaang ibinasura kamakailan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa motions for reconsideration na isinumite ng “It’s Showtime” kaugnay sa ipinataw na 12 airing days suspension.
Bukod diyan, sinampahan din si Vice at ang partner niyang si Ion Perez ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) dahil umano sa “indecent act” na ipinakita nilang dalawa sa segment na “Isip Bata” ng nasabing noontime show.
https://balita.net.ph/2023/09/28/mtrcb-ibinasura-ang-apela-ng-its-showtime/