Usap-usapan ang makahulugang posts ng lead vocalist ng bandang "Kamikazee" na si Jay Contreras, matapos pumutok ang isyu ng pagpapalayas sa kanila ni Sorsogon Governor Edwin “Boboy” Hamor, sa ginanap na Casiguran Town Fiesta 2023 noong Linggo, Oktubre 1.

Sa ulat ng GMA News, malinaw na ipinahayag ni Public Information Officer of Sorsogon Dan Mendoza na nagalit umano ang gobernador sa pagtanggi ng banda na magpa-picture sa “16,000 blue roses” na tourist attraction ng lugar.

Pumayag umano noong una ang Kamikazee pero hindi naman daw sumipot noong oras na ng pictorial.

“Inuulit ko, hindi tayo pwede bastusin…Pinipilit ko, pinipilit ko na itaas ang dignidad ng bawat Sorsoganon,” pahayag pa ng gobernador.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Dagdag pa niya, hindi na raw makakabalik pa sa Sorsogon ang Kamikazee dahil marami naman umanong banda na handang magpasaya sa kaniyang mga nasasakupan.

Bilang pakonsuwelo, sinabi niya sa mga tao na pasasayahin sila ni “Unkabogable Star” Vice Ganda at dadalhin pa sa lugar nila si “Popstar Royalty” Sarah Geronimo.

Sa huli, humingi siya ng paumanhin sa lahat ng mga taong dumalo sa pagtitipon.

Sa kaniyang Instagram posts naman, ibinahagi ni Jay ang tatlong larawan niya na naka-black and white na may caption na "Choose/I Choose Love."

Hindi naman malinaw kung tungkol ito sa insidente subalit mababasa sa comment section ang pagbuhos ng suporta mula sa netizens.

"Taga-Sorsogon ako pero nakakahiya ginawa ni Governor namin sa inyo. Kamikazee Habang Buhay!"

"Handa ako makipag away manong jay! Ipagtatanggol ko kayo kahit tiga Sorsogon pa ako!"

"Politiko sila pwedeng mawala sa pwesto pero kayo, kamikazee na noon pa magpasaya lang kayo ng tao. Hayaan nyo sila kung di sila masaya."

"KMKZ habambuhay!"

Sa kaniyang sunod-sunod na Instagram stories naman ay makikita ang iba't ibang posts at videos ng pagtatanggol ng Kamikazee fans at supporters sa kanila.

Samantala, wala pang pormal at opisyal na pahayag ang banda hinggil sa isyu. Bukas ang Balita para sa kanilang panig.

MAKI-BALITA: Gobernador, dismayado: Kamikazee, ‘pinalayas’ sa Sorsogon