Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy na magsisikap ang pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng mga guro at mapabuti ang kanilang mga buhay.
Matatandaang dumalo si Marcos kasama si Vice President Sara Duterte sa idinaos na ‘Konsyerto sa Palasyo’ (KSP) na alay sa mga guro nitong Linggo ng gabi, Oktubre 1.
“As National Teachers' Month comes to a close, we pay tribute to the heroes of children’s education,” pahayag ni Marcos sa kaniyang Facebook page kalakip ang ilang mga larawan nila sa dinaluhang KSP.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga guro para umano sa lahat ng kanilang mga ginagawa para sa mga estudyante.
“As we thank you for all that you do, we also continue to work harder to improve your lives,” ani Marcos.
“The Marcos-Duterte administration will remain hard at work in addressing the needs of our schools, our teachers, and our students,” saad pa niya.
Mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 kada taon ipinagdiriwang ang National Teachers’ Month, alinsunod sa Proclamation No. 242 na inisyu noong 2011.
Layon din umano ng naturang pagdiriwang na suportahan ang World Teachers’ Day sa Oktubre 5 kada taon.