Umaasa pa rin ang isang kongresista sa pangako ng Department of Budget and Management (DBM) na taasan ang Marawi Compensation Fund (MCF).
Sa pahayag ni Deputy Minority Leader, Basilan Rep. Mujiv Hataman nitong Linggo, magiging isang malaking tagumpay ng Marawi siege victims sakaling mapanindigan ng DBM ang pahayag nito na gawing ₱5 bilyon ang mungkahing MCF sa 2024 national budget, mula sa dating ₱1 bilyon.
Nangako rin aniya ang DBM na ilalabas na nila ang nakalaang ₱1 bilyon para sa 2023 national budget.
Hindi aniya sapat ang naturang pondo kumpara sa bilang ng mga pamilyang apektado ng Marawi siege.
National
Billboard ni Benhur Abalos, pinuna ni Clarita Carlos
“Hindi talaga kasya ang PHP1 bilyon sa isang taon. Tandaan natin, limang taon lang ang ibinigay natin sa Marawi Compensation Board (MCB) para matapos ang pagbabayad sa mga biktima sa Marawi. Kaya mahalaga na madagdagan ang pondong kanilang ipapamahagi,” sabi pa ng kongresista.
Matatandaang libu-libong bahay ang nawasak sa limang buwang giyera sa pagitan ng Islamic State-inspired local terrorists at mga tropa ng pamahalaan sa lungsod noong Mayo hanggang Oktubre 2017.
PNA