₱250 milyon umano ang orihinal na hiniling ni Vice President Sara Duterte na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong nakaraang taon, base sa kaniyang sulat sa Department of Budget and Management (DBM) noong Agosto 22, 2022.

Ibinahagi ng mga staff ni Liberal Party (LP) President Albay 1st district Rep. Edcel Lagman ang ilang mga kopya ng nilagdaang liham ni Duterte sa mga mamamahayag ng Kamara nitong Martes, Setyembre 26.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo nitong Lunes, Setyembre 25, na nagastos ng OVP ang ₱125 million confidential funds nito sa loob ng 11 araw, mas maikling panahon kaysa sa naunang naiulat na 19 araw.

https://balita.net.ph/2023/09/25/%E2%82%B1125-m-confidential-funds-ng-ovp-ginastos-sa-loob-ng-11-araw-quimbo/

₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo

Sa dalawang pahinang sulat na naka-address kay DBM Secretary Amenah Pangandaman noong Agosto 22, 2022, humingi ang bise presidente ng kabuuang ₱403.46 milyon mula sa DBM para umano sa “continuous operations” ng OVP sa ilalim ng naturang taon.

Sa nasabing halaga ng pondong kahilingan ng OVP, makikita sa sulat na ₱250 milyon ang nakalaan para sa confidential funds.

“For and in consideration of the safe implementation of the various projects and activities under the Good Governance program and the conduct of official engagements and functional representation in international and domestic events as instructed by the President, the CF (confidential funds) amount of ₱250 Million is hereby requested,” nakasaad sa sulat.

Bukod sa confidential funds, kasama rin sa pondong hiniling ni Duterte ang "augmentations" para umano sa financial assistance/subsidy; special duty allowance para sa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG); at rollout para sa ilang mga proyekto tulad ng pagtatatag ng tatlong satellite offices, augmentation para sa Libreng Sakay Program, tatlong OVP food trucks, at ang 911 peace-building initiative sa Marawi.