Inamin ng TV at radio host na si Amy Perez-Castillo o mas kilalang “Tyang Amy” sa kaniyang panayam kay Ogie Diaz sa ">vlog nito nitong Linggo, Setyembre 17, na nakukulangan umano siya sa naibibigay niyang presensiya sa kaniyang mga anak.

Tinanong kasi ni Ogie kung anong sitwasyon sa buhay ni Tyang Amy ang iniiwasan niyang pag-usapan dahil alam niyang may tama iyon sa kaniya.

“‘Yung sa mga bata. ‘Yung kapag pinag-uusapan na ‘yung ‘lagi ba akong nandun?’ Minsan kinu-question ko kasi ‘yung sarili ko do'n, e,” sagot ni Tyang Amy.

May nararamdaman umano kasing guilt si Tyang Amy kaya siya umiiwas. Tinatanong niya ang sarili kung sapat ba siya bilang ina? Kung hindi, paano niya mapupunan ang kakulangang ‘yon? Mga ganyang bagay.

Amy Perez sa Showtime family: 'Love will keep us together!'

“Syempre, alam mo naman tayong mga nanay, parang, as much as possible, ‘yung magawa natin ang lahat ng perfect para sa anak natin,” dagdag pa niya kay Ogie.

Kaya dumating sa punto na nag-request siya kay Tita Cory Vidanes na Monday to Friday na lang siya magtatrabaho para mapunan ang kakulangan para sa mga anak.

Tuwang-tuwa umano ang mga bata kapag wala siyang trabaho. O kaya kapag may sakit siya.

“Di ko alam ba’t masaya sila na may sakit ako. Kasi nasa bahay ako, ‘yung ganun.”

At dahil daw dun, na-realize ni Tyang Amy na malaking bagay sa kaniyang mga anak na nandoon siya sa piling ng mga ito. Nakikita. Nayayakap. Nakakausap.

Kasalukuyang host si Tyang Amy sa noontime show na “It’s Showtime” na pinatawan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 12 airing days suspension kamakailan. Nagpaabot pa siya ng mensahe sa “It’s Showtime” family matapos ibaba ang nasabing suspension.

Matatandaan din na ibinahagi niya noong Hulyo ang pinaka-lowest point ng kaniyang buhay sa panayam niya kay “Asia’s King of Talk” Boy Abunda.

MAKI-BALITA: Amy Perez, ibinunyag na ex-husband ang dahilan ng ‘pinaka-lowest’ ng buhay niya