Tinatayang aabot sa ₱40 milyong halaga ng pinaghihinalaang smuggled na bigas ang nadiskubre ng mga awtoridad sa Las Piñas City at Cavite nitong Huwebes.

Sa social media post ng Bureau of Customs (BOC), sinalakay ng grupo ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Port of Manila (POM), Legal Service, Philippine Coast Guard (PCG) at ng mga barangay official ang dalawang bodega sa Pulang Lupa, Las Piñas, at isa pa sa Bacoor nitong Setyembre 14.

Nadiskubre sa mga naturang lugar ang libu-libong sako ng bigas na inangkat pa sa Vietnam, Thailand at China.

National

Billboard ni Benhur Abalos, pinuna ni Clarita Carlos

Sa imbestigasyon, natuklasan ng mga raiding team na ibinebenta sa merkado ang bawat sako ng Vietnamese rice (25 kilo) ng hanggang ₱1,320, katumbas ay ₱52.8 kada kilo na lagpas sa mandated price ceiling na ₱41 per kilo (well-milled) at ₱45 kada kilo para sa regular-milled rice.

Ayon sa BOC, bago ang ikinasang pagsalakay, nagsagawa muna sila ng puspusang imbestigasyon, surveillance at test purchase kung saan nakumpirmang inangkat ang mga nakatagong bigas.

Binigyan muna ng 15 araw ang may-ari ng warehouse upang makapagharap ng resibo ng pinagbayarang buwis ng kanilang supplier o importer bago tuluyang kumpiskahin ang mga nakaimbak na bigas nito.

Idinahilan naman ng BOC, lalo pa nilang pinaigting ang kampanya laban sa smuggling at hoarding ng bigas sa layuning magkaroon ng abot-kayang pagkain sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo nito.