Napa-”wow” ang aktres na si Isabelle Daza sa laki ng nalikom niyang halaga mula sa kaniyang fundraising campaign para kay Elvie Vergara, isang kasambahay mula sa Occidental Mindoro na nabulag dahil sa pang-aabuso umano ng kaniyang dating mga amo sa loob ng tatlong taon.

Sa kaniyang Instagram story nitong Biyernes, Setyembre 15, ibinahagi ni Isabelle na ₱963,619 na ang nalikom niyang donasyon para kay Vergara.

“You guys have done beyond. Wow,” ani Isabelle sa kaniyang Instagram story.

“I will make sure Elvie personally receives this donation,” dagdag pa niya.

Isabelle Daza, may fundraising para sa nabulag, inabusong kasambahay

Courtesy: Isabelle Daza/IG

Matatandaang noong Setyembre 8 lamang nang ianunsyo ng aktres sa kaniyang Instagram post ang kaniyang fundraising campaign para matulungan si Vergara sa pagpapagamot at mga gastusin nito sa pang-araw-araw.

Nasimula lamang daw sa ₱300,000 ang goal ni Isabelle nang ilunsad ang kaniyang fundraising para sa kasambahay.

Matatandaan namang nagsalaysay kamakailan si Vergara sa senado tungkol sa iba’t ibang uri umano ng pananakit at pagmamaltrato na natanggap niya mula sa kaniyang mga dating amo, na humantong nga sa kaniyang pagkabulag.

https://balita.net.ph/2023/09/06/kasambahay-na-nabulag-daw-sa-maltrato-ng-amo-nagkuwento-sa-senado/

Samantala, habang sinusulat ang artikulong ito ay napag-alaman din ng Balita na umabot na sa ₱1,002,019 ang nalikom na donasyon para kay Vergara nitong Sabado, Setyembre 16.