Walong senior citizens sa Taguig City ang tagumpay na nakapagtapos ng elementarya at junior high school sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) program.

Sa post ng opisyal na Facebook page ng lokal na pamahalaan ng Taguig City, ibinahagi nitong umakyat sa entablado ang walong senior citizens sa isinagawang ALS graduation at completion rites noong Sabado, Setyembre 9, sa Taguig City University Auditorium.

Isa ang construction worker na si Lolo Cesar Londonio, 63, sa mga nagtapos ng junior high school sa pamamagitan ng ALS program.

Ayon kay Lolo Cesar, nagpapasalamat siya dahil suportado siya ng kaniyang asawa at dalawang anak sa kaniyang pangarap na makapag-aral. Matapos ang high school ay pangarap din daw niyang makapagtapos ng 2 o 4-year course sa kolehiyo.

Lifehacks

ALAMIN: Anong dapat gawin sa oras ng emergency?

"Wala naman sa edad 'yan, isang karangalan sa akin na kahit na senior na ako ay nagsumikap ako makatapos," saad niya.

Para naman kay Lola Liza Cruz, 70, ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataong makapagtapos sa elementarya dahil mahirap daw ang buhay noong siya ay bata, lalo na’t panganay raw siya sa magkakapatid.

Nang maging single mother naman siya ng kaniyang tatlong mga anak, kinailangan niyang unahin ang pag-aaral ng mga ito kaysa sa kaniyang pangarap na makapagtapos.

"Ang pangarap ko kasi sa kanila ay makatapos ng pag-aaral," ani Lola Liza. "Ngayon, kahit papaano, nakamtan ko rin ang pangarap ko na kahit elementary ay nakagraduate ako.”

Kasama naman nina Lolo Cesar at Lola Liza na umakyat sa entablado ang anim pang senior citizens na nakapagtapos din sa pamamagitan ng ALS:

Nagtapos ng Elementarya:

-Lola Shiarima Talusan (Maharlika Integrated School)

-Lola Rosalinda Barbolino (Upper Bicutan Elementary School)

Nagtapos ng junior high school:

-Lola Marianita Cea (Signal Village National High School)

-Lola Luvisminda Fajardo (Tenement Elementary School)

-Lola Ritchi Siscar (Kapitan Jose Cardones Integrated School)

-Lola Maria Luzviminda Selda (Multi-purpose Hall Barangay South Signal Village Community Learning Center)