Apektado na ng oil spill ang bahagi ng karagatan sa Naga City, Cebu dulot ng lumubog na tugboat nitong Linggo.

Sa Facebook post ng Philippine Coast Guard (PCG), gumagawa na sila ng paraan upang hindi na kumalat nang husto ang tumagas na langis ng MTug Sugbo 2 sa bisinidad ng Naga Anchorage nitong Setyembre 3.

Paliwanag ng Coast Guard, naglatag na sila ng tatlong oil spill containment boom, dalawang bungkos ng absorbent pads at apat na absorbent boom upang makontrol ang oil spill.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sa salaysay ng boat captain, napansin niyang pinasok ng tubig ang steering room ng tugboat dahil sa malaking butas sa bahagi ng starboard quarter nito.

Dahil dito, kaagad itong nagpasaklolo hanggang sa dumating ang sister ship na MTug Sugbo 7 na kaagad na nagsagawa ng pumping operation upang limasin ang tubig sa tugboat.

Gayunman, ipinatigil ng kapitan ang operasyon dahil unti-unti nang napupuno ng tubig ang tugboat at iniutos na rin sa mga tripulante na lisanin ito bago tuluyang lumubog.