18 pasahero, 6 tripulante nailigtas nagka-aberyang barko sa Tawi-Tawi
Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 18 pasahero at anim na tripulante matapos magkaaberya ang kanilang barko sa karagatang bahagi ng Tawi-Tawi kamakailan.
Sa pahayag ng PCG, kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang Coast Guard Sub-Station Languyan, sa nasiraang ML Ashlea sa karagatang sakop ng Luuk Tulay, Bongao nitong Agosto 28.
Sa report ng Coast Guard, patungo na sana ang barko sa Languyan, Tawi-Tawi mula sa Port of Bongao nang biglang naputol ang propeller nito.
Humingi kaagad ng tulong ang kapitan ng barko na si Hayudini Damih sa PCG at na nagresulta sa pagkakaligtas ng mga sakay nito.
Nasa ligtas nang kondisyon ang mga pasahero at tripulante, ayon pa sa PCG.