Inanunsiyo ng pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) na limitado muna ang kanilang operasyon sa loob ng tatlong araw, o simula nitong Biyernes hanggang sa Linggo, Agosto 27, bunsod na rin ng dinaranas na mechanical at track issues.
Sa anunsiyo nitong Biyernes, sinabi ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, na ang southbound trains nila ay bibiyahe lamang muna mula Fernando Poe Jr. Station (dating Roosevelt Station) hanggang Vito Cruz Station bilang end terminal.
Samantala, ang northbound trains naman ay bibiyahe mula Gil Puyat Station (Buendia) hanggang sa Fernando Poe Jr. Station.
Nabatid na nag-ugat ang limitadong operasyon nitong Huwebes, matapos na dumanas ng mechanical problem ang isang Gen-2 train set ng LRT-1 dakong alas-12:32 ng tanghali.
Anang LRMC, kaagad silang nagsagawa ng masusing assessment at initial corrective works upang tugunan ang mechanical problem.
Gayunman, nadiskubre nilang nangangailangan ito ng karagdagang track works sa loob ng tatlong araw upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
“Based on the assessment, the incident affected a portion of LRT-1 tracks requiring the LRMC Engineering team to perform additional trackworks for the next three days to ensure that the LRT-1 system remains safe for our passengers,” anang LRMC.
“LRMC will continue to implement limited operations for LRT-1 while the trackworks are ongoing, with trains running between Gil Puyat Station and Fernando Poe Jr. Station only,” anito pa.
Pinayuhan na rin ng LRMC ang mga train commuters na ayusin ang kanilang iskedyul at tiniyak na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang kaagad na maresolba ang isyu, sa lalong madaling panahon.